TUGUEGARAO CITY- Naglabas ang Pamahalaang Panlungsod ng Tuguegarao ng mga bagong panuntunan na susundin ng publiko kasabay nang pagsisimula ng Enhanced Community Quarantine(ECQ) sa lungsod ngayong araw, Agosto 12, 2021.
Ayon kay Atty. Raymund Guzman, city councilor, walang public transportation kasama na ang mga kalesa pero papayagan ang mga private tricycle na gagamitin sa paghatid-sundo ng healthcare worker na papasok sa trabaho.
Pinagbabawalang lumabas ang mga edad 18 pababa, 65 pataas,mga buntis at mga mayroong comorbidities
maliban na lamang kung may importanteng pupuntahan dahil kabilang sila sa itinuturing na vulnerable sa
nasabing sakit.
Istrikto ring titignan ang covid shield control pass para sa mga lalabas ng kanilang tahanan habang
ang mga nagtatrabaho sa gobyerno ay kailangan lamang na ipakita ang kanilang I.D para malimitahan ang
mga nasa labas.
Bawal din ang mga ambulant vendors pero papayagan namang magbukas ang mga talipapa maging ang mga
restaurant at iba pang kainan pero kailangan ay take-out at delivery lamang.
Maging ang mga bangko ay patuloy din na magbibigay serbisyo pero nilimitahan lamang ito sa oras na
magsisimula ng alas 9 ng umaga hanggang 12 ng hapon lamang.
Agad ding ipinatupad ang liquor ban at paiiralin ang curfew hour mula alas 8 ng gabi hanggang alas 5 ng
umaga
Para naman sa mga papasok ng lungsod na mula sa iba’t-ibang bayan sa probinsya ng Cagayan ay kailangan
na magpakita ng travel pass at health declaration na mula sa pinanggalingang bayan habang ang mga
manggagaling naman sa labas ng probinsya ay magpakita ng travel authority at negative result ng antigen
o RT-PCR swab test na siyang ipapakita sa border checkpoint.
Pinapayagan naman ang backriding pero kailangan ay may magpakita ng brgy. certificate na nagpapatunay
na ang magkaangkas ay magkasama sa iisang bahay.
Sa mga nagtatrabaho sa lungsod na manggagaling sa ibang bayan ay kailangan lamang na ipakita ang
company I.D maging ang mga nagtatrabaho sa ibang bayan na mula sa lungsod.
Lilimitahan din ng tatlong araw ang lamay at tanging ang mga immediate family lamang ang sasama sa
libing maging sa gagawing misa.