TUGUEGARAO CITY- Ipapatupad ang Enhanced Community Quarantine o ECQ sa bayan ng Piat, Cagayan simula sa madaling araw ng Linggo na magtatal ng 14 araw.
Sinabi ni Mayor Carmelo Villacete na naglabas siya ng executive order para sa pagpapairal ng ECQ matapos na hilingin ito ng mga barangay kapitan at maging ng sangguniang bayan.
Ayon sa kanya ito ay bunsod na rin ng patuloy na pagtaas ng kaso ng covid-19.
Sinabi niya na 114 ang actice cases ng virus at 20 na ang namatay sa kanilang bayan.
Kaugnay nito, sinabi ni Villaciete na sa ilalim ng ECQ ay bukas pa rin ang kanilang palengke mula 5 am hanggang 6 pm, papayagan ang mga talipapa at mobile market para sa mga malalayong barangay upang hindi na nila kailangang bumiyahe pa sa poblacion ng Piat.
Subalit, sinabi ng alkalde na hindi papasukin sa palengke ang mga walang face mask at face shield.
Wala munang face-to-face na misa sa halip ay sa pamamagitan ng virtual.
Sinabi ni Villaciete na kailangan na magpakita ng ID na issue ng LGU para sa mga residente na galing sa ibang lugar na patunay na sila ay taga- Piat.
Para naman sa mga tricycle, pinapayagan silang mamasada subalit isa lang ang pwedeng isakay.
Samantala, sinabi ni Villaciete pinagbigyan ng simbahan ang kanyang kahilingan na gamitin muna ang pilgrimage inn bilang isolation facility dahil sa punuan na rin ang kanilang mga itinakdang isolation facilities.