TUGUEGARAO CITY-Pinag-aaralan na ng pamahalaang panlungsod ng Tuguegarao ang ipatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) with heightened restriction pagkatapos ng sampung araw na ECQ sa lungsod.
Ayon kay Atty. Jonanette Siriban, information officer, ito’y kasabay ng isinagawang emergency meeting kahapon kasama ang head ng CVMC, mga negosyante, brgy. captains at miembro ng sanguniang panlungsod kung saan hiniling ng mga healthcare workers sa lungsod ang “medical break” o no movement.
Sinang-ayunan naman ito ng ma negosyante kung kaya’t sa karagdagang pitong araw na ECQ ay mas lalong paiigtingin ang kanilang pagbabantay sa lungsod.
Aniya, isa-isahin nila ang mga establishimento na bibisitahin at titignan kung kinakailangan bang magbukas o hindi para iyon lamang ang papayagang mag-operate sa loob ng nasabing pitong araw.
Istrikto pa ring ipatutupad ang paggamit ng covid shield control pass sa mga lalabas ng kanilang tahanan at kinakailangan ay may suot na facemask at faceshield bilang proteksyon sa nakamamatay na sakit.
Sinabi ni Siriban na layunin nitong mapababa ang bilang ng mga nagpopositibo sa virus na umaabot na sa mahigit isang libo ngayong araw.
Kaugnay nito, muling pagpupulong ang pamahalaang panlungsod ngayong araw para timbangin ang kondisyon ng lahat bago ipatupad ang mas mahigpit na community restriction.
Matatandaan, isinailalim sa sampung araw na ECQ ang lungsod simula Agosto 12 na matatapos bukas, Agosto 21, 2021 dahil sa mataas na bilang ng mga naitatalang kaso ng virus.