Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi madadamay ang Pilipinas sa tumitinding sigalot sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, kasabay ng paglilinaw na hindi rin maaaring gawing imbakan ng malalakas na armas ang mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa bansa.

Sa budget deliberation ng DFA sa Senado, kinuwestiyon ni Senator Robinhood Padilla kung dapat bang mangamba ang Pilipinas sa posibleng pag-atake sa mga EDCA sites, kasunod ng mga pag-atake sa mga base militar ng Estados Unidos sa Middle East.

Ipinaliwanag naman ni Senator Erwin Tulfo, sponsor ng panukalang budget ng DFA, na hindi itinuturing na mga base militar ang EDCA sites kundi mga lugar na ginagamit para sa pagsasanay ng mga puwersang militar, partikular sa relief operations at emergency response.

Dagdag pa rito, nagsasagawa rin umano ng inspeksyon sa mga naturang pasilidad ang Presidential Commission on Visiting Forces sa ilalim ng DFA.

Nakasaad din sa kasunduan na hindi maaaring magpasok o mag-imbak ng malalakas na armas sa mga EDCA sites, gayundin ang basta na lamang pag-iwan ng mga kagamitan, eroplano at helicopter sa mga naturang lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin na nakatuon ang paggamit sa mga EDCA sites sa mga aktibidad na pinahihintulutan sa ilalim ng kasunduan, kabilang ang pagsasanay at paghahanda sa pagtugon sa mga sakuna at emergency.