
Hiniling ni Senate ethics committee chairperson JV Ejercito kay Senador Bato dela Rosa na magbigay ng komento sa panukalang amyendahan ang rules ng Senado upang ipatupad ang “no work, no pay” policy para sa mga madalas na lumiliban na senador.
Ayon kay Ejercito, tinalakay ito sa pulong ng Senate Committee on Ethics and Privileges kaugnay ng mga reklamo laban sa ilang miyembro ng Senado. Isa sa tinitingnang panukala ang pag-amyenda sa rules tungkol sa absenteeism.
Sinabi niya na hinihintay pa nila ang sagot ni senator Dela Rosa tungkol sa usapin.
Si senador bato Dela Rosa ay hindi na umano nagpapakita sa mga sesyon ng Senado mula pa noong Nobyembre 2025, kasunod ng mga ulat na may kaugnayan siya sa imbestigasyon ng International Criminal Court sa war on drugs.
Dahil dito, may nakahain na ring reklamo sa ethics committee laban sa kanya dahil sa matagal na pagliban.
Ayon kay Ejercito, kung pagbabatayan ang prinsipyo ng patas na trabaho, dapat din umanong isaalang-alang ang pagbawas ng sahod at allowances ng mga hindi pumapasok sa trabaho, tulad ng ordinaryong manggagawa na walang bayad kapag hindi nagtatrabaho.
Samantala, iniulat din ni Ejercito na sa siyam na reklamong tinanggap ng komite, apat ang ibinasura dahil kulang sa porma at hindi sapat ang laman. Ang iba ay ipinabalik sa mga nagreklamo para ayusin at muling ihain, habang may ilang kaso na ipinagpaliban pa ang pag-aksyon.
Dalawa naman sa mga natitirang kaso ang hinihintay pa ang sagot ng ilang ahensya ng gobyerno bago tuluyang maresolba.
Nilinaw rin ng komite na mananatiling kumpidensyal ang lahat ng pagdinig at detalye ng mga kasong kanilang tinatalakay.










