Kumpiyansa ang administrasyong Marcos na babangon ang ekonomiya ng Pilipinas sa 2026

Ito ay kasunod ng pulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona upang suriin ang desisyon sa monetary policy noong Oktubre 2025 at ang kalagayan ng ekonomiya ng bansa.

Ayon sa PCO, bagamat mabagal ang paglago ng ekonomiya ngayong 2025, inaasahang makakabawi ito sa 2026 at aabot sa target ng gobyerno pagsapit ng 2027.

Iniulat ng BSP na bumaba na sa 1.7% ang inflation, habang –0.4% naman ito para sa bottom 30% ng mga kabahayan.

Dahil dito, ibinaba ng Monetary Board ang policy rate sa 4.75% upang mas maging abot-kaya ang pautang para sa mga pamilya at negosyo.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Remolona na layunin ng pagbaba ng policy rate na pasiglahin ang demand.

Inaasahan naman na ang inflation sa 2026 ay nasa 3.1%, at sa 2027 ay 2.8%, na pasok sa target.

Muling tiniyak ni Pangulong Marcos ang pangako ng kanyang administrasyon na panatilihin ang katatagan ng ekonomiya at lumikha ng kondisyon para sa matatag at malawakang paglago para sa lahat ng Pilipino.