
Ang first edition ng “El Filibusterismo” na may lagda si Jose Rizal ang pinakamahal na libro sa Pilipinas, matapos na maibenta ito sa P21 million sa sa auction sa Leon Gallery Asian Cultural Council Auction noong Feb. 14.
Ang aktuwal na presyo ng nasabing libro ay P25.3 million kasama ang buyer’e premium.
Nalampasan ng “Filibusterismo” ang naunang Philippine record para sa pinakamahal na libro na kopya ng “Noli Me Tangere” sa halagang P19 million, sa isa ring auction sa Leon Gallery nitong nakalipas na taon.
May petsang Sept. 16 1891, ang inscription ni Rizal ay para sa kanyang malapit na kaibigan at kapwa scholar na si Trinidad Pardo de Tavera, kung saan ito ang nag-iisang “Holy Grail” para sa Filipino book collectors.
May dalawa sa National Library sa bansa, subalit walang lagda dito si Jose Rizal.
Iilan lang ang naimprenta na kopya ng “Filibusterismo” kaya mahirap itong mahanap.
Noong panahong iyon, nagkaproblema si Rizal sa pinansiyal at personal.
Nakarating sa kanya na may iba nang mahal ang kanyang matagal nang iniibig na si Leonor Rivera, at naubos na rin ang kanyang financial resources, nang handa na ang libro para sa press.
Nalungkot at nalugmok ang pamilya ni Rizal matapos na matalo sa korte sa pinaglalaban nilang lupa mula friars na kanilang binubungkal ng maraming dekada.
Bilang resulta, napaalis sila sa kanilang tahanan, isinailalim sa exile ang kanyang ama at kapatid na lalaki, at sinuspindi ang kanyang allowance.
Dahil dito, binawasan ni Rizal ang kanyang gastos para sa pag-iimprenta ng kanyang libro, kung saan tanging tsaa at biskwit lamang ang kanyang kinakain at umasa sa “pay-as-you-print” o installment sa press sa Ghent, Belgium, na kanyang napili dahil sa mas mura kumpara sa ibang printers sa France o Germany.
Nang handa na ang libro at ipinadala ito sa Pilipinas, hinigpitan naman ng rehimen ng Espanya at friars ang penalties para sa distribution at maging ang pagkakaroon ng kopya ng nasabing libro, kabilang ang pag-aresto at torture.
Dahil dito, marami ang kinumpiska, sinunog, at sinira.










