TUGUEGARAO CITY- Nadagdagan pa ang mga lugar na itinuturing na election hotspot o areas of immediate concern sa probinsiya ng Cagayan, kasabay ng pagsisimula ng campaign period sa local positions.

Ayon kay Isabelita Gano, tagapagsalita ng Cagayan Police Provincial Office na nadagdagan ang bilang ng mga lugar na nasa grave concern dahil sa mga parameter mula sa Comelec kabilang ang presensya ng intense political rivalry, banta ng NPA at iba pang threat groups at insidente ng election related violence.

Sa pinakahuling validation ng PNP, pasok sa red category ang bayan ng Baggao, Amulung, Tuao, Peñablanca, Enrile, Rizal at Buguey.

Dahil dito, magkakaroon ng adjustment sa deployment ng PNP personnel partikular sa naturang mga lugar na posibleng ideklara ang COMELEC control.

Kasabay nito, tiniyak ni Gano na nakalatag na ang ipatutupad nilang seguridad para matiyak na magiging mapayapa ang panahon ng kampanya hanggang sa halalan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Gano, kabilang sa mga bibigyan ng security detail ng PNP ang mga incumbent na kandidato at yung may mga kumpirmadong banta sa kanilang buhay mula Governor hanggang Vice Mayor.

Aniya, limitado lang sa dalawang pulis ang kanilang ibibigay na escort sa mga kandidato at mananatili lang ang mga ito sa campaign activity pero kapag tapos na ang activity ay aalis na ang mga pulis.

Samantala, sinabi ni Gano na naging mapayapa sa kabuuan ang unang araw ng campaign period sa lalawigan para sa lahat ng kandidato na tatakbo sa local positions sa May 9 elections.