
Dumarami umano ang mga Pilipinong nagkakainteres na lumipat sa paggamit ng electric vehicles (EVs) dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa bunsod ng mga tensyon sa Middle East.
Sinabi ni Willy Tee Ten, pangulo ng Electric Vehicle Association of the Philippines, malaki ang potensiyal ng pagtitipid sa paggamit ng kuryente kumpara sa gasolina.
Ipinaliwanag niya ang malaking diperensiya sa gastos sa pagpapatakbo ng sasakyan.
Ayon sa kanya, 65 percent ang matitipid paggamit ng electric vehicle.
Sinabi niya na kung gagastos ng P1,000 sa gasolina sa isang linggo, P350 lang magagastos sa EVs kung sa bayarin sa kuryente.
Binigyang-diin din ni Ten na habang tumataas ang presyo ng langis, lalong nagiging praktikal ang paglipat sa EV.
Saad niya, bagama’t tumataas din ang singil sa kuryente, hindi ito kasing bilis ng pagtaas ng presyo ng gasolina.
Gayunpaman, ayon kay Ten, nananatiling limitado ang paglago ng mga EV sa bansa dahil sa kakulangan ng mga charging station at mabagal na pagpapatupad ng mga patakaran ng gobyerno para sa electric vehicles.










