TUGUEGARAO CITY-Magkasunod na nagkasagupaan ang hanay ng 17th Infantry Battalion Philippine Army at mga miembro ng New People’s Army (NPA) sa dalawang barangay sa bayan ng Flora, Apayao, ngayong araw, Marso 14, 2021.

Ayon kay Lt. Allen Paul Tubojan, tagapagsalita ng 17th IB, nagsagawa ng monitoring ang kanilang tropa sa Barangay Mallig bandang alas-dyes kaninang umaga matapos makatanggap ng impormasyon ukol sa presensya ng mga makakaliwang grupo.

Habang nag-iikot ang mga militar sa lugar, bigla na lamang umanong pinaulanan sila ng bala ng mga nasa 20 hanggang 30 miembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) kung saan tumagal ng halos 15 minuto ang palitan ng putok ng baril.

Nang tumigil ang putukan, nagpatuloy ang tropa ng militar sa pagpapatrolya kung saan alas dose ng tanghali ng muling magkaengkwentro sa Barangay Upper Atok sa kaparehong bayan na tumagal ng 30 minuto.

Aniya, mga miyembro ng Danilo Ben Command na nakabase sa Western Cagayan ang nakasagupa ng tropa na napadaan lamang sa lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Nakuha sa pinangyarihan ng sagupaan ang apat na matataas na uri ng baril na kinabibilangan ng tatlong M16 A1 rifle, isang baby armalite at Improvised Explosive Device (IEDs) maging ang ilang mga dokumento.

Sinabi ni Tubojan na kanila pa ring inaalam kung may nasawi sa hanay ng mga makakaliwang grupo dahil sa mga nakitang bakas ng dugo sa pinangyarihan ng enkwentro.

Kaugnay nito, muling hinikayat ni Tubojan ang mga rebeldeng grupo na sumuko na sa pamahalaan at tumulong na lamang sa pagkamit sa kapayapaan at kaayusan ng bansa.