TUGUEGARAO CITY-Nakasailalim sa lockdown ang himpilan ng Enrile Police Station matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (covid-19) ang dalawa nitong pulis.
Ayon kay Mayor Miguel Decena ng Enrile, ang nasabing dalawang pulis ay kasama sa mga nagmamando sa mga checkpoint area matapos isailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine ang nasabing bayan.
Dahil dito, agad ding kinuhanan ng specimen ang 46 na iba pang pulis para sa kanilang swab test para matiyak na hindi sila nahawaan ng nakamamatay na virus.
Bukod sa dalawang pulis, isang 15-anyos na babae na nasa kustodiya ng PNP-Enrile ang positibo rin sa virus.
Sa ngayon, mga augmentation na ipinadala ng Cagayan Police Provincial Office ang kasalukuyang nagbabantay sa lugar habang nakaquarantine sa enrile vocational high school ang dalawang pulis kasama ang bata at nakahome quarantine naman ang ibang pulis.
Samantala, sinabi ni Decena na nasa 57 na ang naitalang kumpirmadong kaso ng virus sa kanilang bayan kung saan 33 dito ay active , 34 ang gumaling habang ang isa ang namatay.
Mula sa nasabing bilang ng mga aktibong kaso, apat sa kanila ay symptomatic at 29 ang asymptomatic.
Dahil dito, tuloy-tuloy pa rin ang kanilang isinasagawang contact tracing para matiyak na wala ng nahawaan ng naturang virus.
Nananatili namang nakaskeletal force ang mga manggagawa sa kanilang munisipyo para matiyak ang kanilang kaligtasan habang nakawork form home at work from quarantine naman ang iba nilang empleyado para tuloy pa rin ang kanilang trabaho.
Kaugnay nito, muling pinalawig ang zonal containment sa 12 Barangay kasama ang Brgy.Centro, Villa Maria, Brgy. II at IV , San Roque, San Jose , Maddarulug Sur, Liwan Norte , Magalalag , Lemu at Aligabo hanggang Oktubre 21 na natapos sana kahapon.
Hiniling na rin umano ng LGU-Enrile sa Regional Inter-agency task force na palawigin rin ng hanggang Nobyembre 5, 2020 ang MECQ para maiwasan pa rin ang paglabas ng tao.
Tiniyak naman ni Decena ang tulong na kanilang ibibigay sa mga mamamayan habang nakasailalim sa MECQ ang naturang bayan.