TUGUEGARAO CITY- Binigyan diin ng Federation of Free Farmers na isang joke ang Executive Order 135 o ang pagpapababa sa tariopa sa imported ridce mula sa Most Favored Nation o MFN sa 35 percent mula sa 40 percent.
Sinabi ni Raul Montermayor, national chairman ng FFF na ang may pakana sa nasabing EO ay ang economic managers ng administrasyon kung saan ay hindi muna ipinaliwanag ang tungkol dito.
Ayon sa kanya na pinalusot ang nasabing EO habang nakatutok ang pamahalaan sa problema sa African Swine Fever.
Dahil dito,sinabi ni Montemayor na naghain sila ng petisyon sa kongreso na humihiling na tanggalin ang Executive Order.
Binigyan diin ni Montemayor na ginagawa lamang ang bawas sa taripa sa panahon ng emergency o kulang na kulang ang supply dahil ang layunin nito ay may ibang pagkukunanan ng bigas sa labas ng ASEAN countries.
Subalit sinabi niya na may sapat na supply ng bigas ang bansa dahil sa importation at panahon ngayon ng anihan sa bansa.
Iginiit niya na wala silang nakikitang dahilan para ipatupad ang nasabing executive order dahil sa pareho lang ang presyo ng bigas sa Vietnam at Myanmar kung saan nag-aangkat ngayon ang bansa sa bigas na mula sa labas ng ASEAN tulad ng India, Pakistan at China.
Iginiit pa ni Montemayor na hindi dapat na umaasa ang bansa sa importation sa halip ay palakasin ang local production upang mas matulungan ang mga magsasaka.
Ayon sa kanya, wala namang kasiguraduhan na ipapasa sa consumers ang anomang matitipid ng mga importers sa pagbaba ng taripa dahil sa kanilang pag-aaral ay pareho pa rin ang presyo ng bigas ngayon at sa presyo noong 2017 na wala pang bawas sa tariff rate.
Dahil dito, sinabi niya na maaaring nakalusot ang EO dahil sa malapit na ang eleksyon.
Samantala, sinabi ni Montemayor na sang-ayon naman sila sa Executive Order 134 na nagpapababa sa taripa sa pork imports dahil sa problema sa ASF.
Gayonman, hindi pa rin naman nagbabago ang presyo ng karne sa merkado kahit na mababa na ang inaangkat na karne dahil sa hindi ipinapasa sa merkado ang pakinabang sa bawas sa taripa.
Kasabay nito, naniniwala si Montemayor na makakabangon ang bansa lalo na ang mga hog raisers sa epekto ng ASF sa susunod na isa hanggang dalawang taon.
Ito ay kung mabibigyan ng sapat na ayuda ang mga hog raisers na apektado ng ASF.