Binigyang-diin ni Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero na nananatili sa prosekusyon ang burden of proof at hindi ito kailanman napupunta sa panig ng depensa sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ginawa ni Escudero ang paglilinaw matapos magtanong si Senator-Judge Alan Peter Cayetano kung may irregularidad o pandaraya kapag inililipat ng special disbursing officer ang confidential funds sa ibang tao.

Ayon kay Cayetano, mahalagang matukoy kung ang hindi ma-account na confidential funds ay awtomatikong nangangahulugan ng fraud o kung may pagkakataong nagbabago ang burden of proof.

Ipinaliwanag ni Escudero na magkaiba ang burden of proof at burden of evidence. Aniya, maaaring mag-shift ang burden of evidence depende sa paraan ng paglalahad ng isyu, ngunit ang burden of proof ay nananatili sa prosekusyon.

Samantala, iginiit ng prosecution counsel na si Rey Robles na batay sa joint circular na namamahala sa confidential funds, ang special disbursing officer ang responsable sa paglalabas ng pondo at hindi ito dapat ilipat sa ibang taong hindi isang accountable officer.

-- ADVERTISEMENT --