
Hindi na boboto si Senate President at impeachment court presiding officer Francis Escudero sa Setyembre 23 kaugnay ng usapin sa 16-vote threshold para mahatulan si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.
Ayon sa impeachment court spokesperson na si Regie Tongol, ang naunang ruling ni Escudero na nangangailangan ng 16 na boto para sa conviction ang itinuturing nang kanyang boto.
Kung 20 senator-judges ang dadalo sa Setyembre 23, 19 lamang ang boboto at kailangan ng hindi bababa sa 10 boto para mabaligtad ang ruling ni Escudero.
Samantala, nakatakda sa Setyembre 16 ang pagdinig sa mga legal experts o amici curiae, habang isasagawa naman sa Setyembre 23 ang oral arguments ng prosecution at defense panels bago ang botohan ng mga senator-judge.








