Nag-viral online ang salitang “esmiringhoy” matapos itong mabanggit sa isang episode ng isang programang tumutulong sa paglutas ng mga alitan at problema ng mga mamamayan.
Umani ng atensyon ang naturang salita sa episode na ipinalabas noong Oktubre 16, na tumalakay sa reklamo ng isang misis laban sa kaniyang mister na umano’y babaero.
Sa panayam, ikinuwento ng babae na pinagbawalan umano ng doktor ang kaniyang mister, na dating nagtatrabaho sa ibang bansa, na gumawa ng mabibigat na aktibidad, kabilang ang pakikipagtalik na tinawag niyang “esmiringhoy.”
Nang tanungin kung ano ang ibig sabihin nito, ipinaliwanag ng babae na katumbas ito ng salitang “bembangan,” isang impormal na tawag sa pakikipagtalik.
Ayon sa mga online na diksyunaryong Visayan, may kahawig na salitang “ismiringhoy” na tumutukoy sa isang babaeng bayaran o kerida.
Dahil dito, naging paksa ng mga biro at meme sa internet ang “esmiringhoy,” kung saan inihambing din ito ng ilang netizen sa iba pang salitang balbal gaya ng “jerjer” at “bembangan.”









