
Trending ngayon sa social media ang pananakit ng lalaking yan sa isang babae.
Sunod-sunod na suntok ang pinakawalan ng lalaki sa babae hanggang sa bumagsak ito at namilipit sa sakit.
Ang lalaki sa viral video, isa pa lang pulis na may ranggong police corporal at nakatalaga sa Malolos City Police Station.
Sa statement ng Malolos City Police Station, sinibak na sa kanyang pwesto ang pulis.
Pansamantala na ring kinuha ng pulisya ang issued firearm at PNP ID ng pulis upang matiyak na hindi ito magagamit sa anumang uri ng pananakot o pang-aabuso habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Mariin ding kinondena ng Malolos PNP ang anumang uri ng karahasan, lalo na laban sa kababaihan, at iginiit na hindi nila kinukunsinti ang anumang paglabag sa batas at regulasyon ng PNP.
Ayon naman sa NAPOLCOM, bilang na ang araw ng lalaki bilang pulis.
Siniguro nilang mapapanagot ang pulis at mabilis na maibibigay ang hustisya sa biktima.
Nanawagan din ang ahensya sa biktima na humarap sa kanila at tiniyak na bukas ang kanilang tanggapan upang tumulong sa kaso.
Iniutos na rin ng NAPOLCOM sa kanilang regional director at regional office na hanapin ang biktima at alamin ang buong detalye ng insidente upang agad na maresolba ang kaso.










