Patuloy ang search and retrieval operation sa isang estudyante na nahulog sa ilog mula sa tulay sa Barangay Anquiray, Amulung, Cagayan kahapon ng umaga.

Sinabi ni Efren Battung, head ng Municipal Disaster Risk and Reduction Management Office (MDDRMO), katuwang ng kanilang hanay sa paghahanap kay Benjie Baltazar, 20 anyos, estudyante ng Anquiray National High School, ang kapulisan at Task Force Lingkod Cagayan.

Ayon kay Battung, nalaman nila na bago ang insidente, nagkaroon ng inuman si Baltazar at kanyang barkada ng 10 p.m. ng Linggo gabi sa isang lugar, hanggang sa lumipat sila sa ibang lugar at itinuloy ang kanilang inuman ng 2 a.m.

Sinabi niya na 5 a.m. naman ay pumunta na ang magbabarkada sa tulay na tinawag nilang “Kaunlaran Bridge,” kung saan umakyat ang biktima sa railings ng tulay.

Nadulas umano siya na dahilan ng kanyang pagkahulog sa ilog.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Battung na mataas ang tulay at malaki at malakas ang agos ng ilog dahil sa pag-uulan nang mangyari ang insidente.