Natagpuang patay ang isang estudyante na 19 taong gulang na may 38 saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan sa kanyang silid sa Barangay La Filipina, Tagum City, Davao del Norte kahapon.
Ayon sa Tagum City Police Station, nakita ang biktima na wala ng buhay at tinakpan ng kumot sa loob ng kanyang silid.
Sinabi ng pulisya na may indikasyon na kinuha ng mga suspek ang maraming kagamitan ng biktima, kabilang ang laptop computer, cellphone, tablet, at relo.
Nakuha ng mga pulis sa crime scene ang grass cutter, isang bolo, dumbell, at panyo na pinaniniwalaan na ginamit ng mga suspek sa pagpatay sa biktima.
Pagnanakaw ang iniimbestigahang motibo sa nasabing krimen.
Kaugnay nito, tiniyak ni Davao del Norte Police Provincial Director, Col. Alexander Serrano Jr. na nagsasagawa sila ng imbestigasyon sa insidente.
Nanawagan din siya sa mga posibleng may alam sa krimen na lumantad at makipagtulungan sa mga awtoridad para sa maresolba ang nasabing krimen.
Determinado naman ang pamilya ng biktima na isasailalim sa otopsiya ang bangkay upang malaman ang tunay na dahilan ng kanyang pagkamatay.