
Sinibak sa puwesto si Mohagher Iqbal bilang Minister ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito ay matapos lumutang ang mga natuklasan sa special audit ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng P2.2 bilyong anomalya sa procurement ng education at training materials.
Nagmula ang direktiba kay Chief Minister Abdulraof Macacua matapos niyang matanggap ang audit findings summary na tumukoy sa umano’y iba’t ibang anomalya sa procurement process ng MBHTE.
Sa liham na may petsang Mayo 11, pinayuhan ni Macacua si Iqbal na agad magsumite ng irrevocable resignation bago ang Mayo 18.
Nakasaad din na kung hindi ito gagawin, ituturing siyang kusang nagbitiw sa kaniyang posisyon.
Kabilang sa mga natukoy sa special audit ang hindi pagpapataw ng mahigit P1.06 milyong liquidated damages sa isang supplier sa kabila ng 520 araw na pagkaantala sa paghahatid ng proyektong nagkakahalaga ng P30.9 milyon para sa mga small armchair ng mga mag-aaral sa elementarya.
Iniulat din ng audit na may 53 kontratang nagkakahalaga ng P1.95 bilyon na naaprubahan sa kabila ng mga umano’y depekto sa procurement process.
Bukod dito, may mga isyu rin sa hindi maagap na pag-post ng performance securities ng mga bidder na posibleng nakaapekto sa pagtitiyak ng obligasyon ng mga supplier sa ilalim ng kanilang mga kontrata.
Natukoy rin ang 73 disbursement voucher na may kabuuang P2.24 milyon na umano’y naproseso at nabayaran kahit kulang sa mga kinakailangang dokumento.
Ayon kay Macacua, nagpalabas na ang COA ng mga initial notice of disallowance kaugnay sa ilang transaksiyon at inaasahang may iba pang posibleng sumunod.
Binigyang-diin din ng Chief Minister na ang lawak ng mga natuklasan ay maaaring makasira sa layunin ng BARMM para sa mabuting pamamahala at nagdulot ng seryosong epekto sa tiwala ng publiko sa pamahalaan ng rehiyon.









