Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang umano’y pagiging miyembro ng estudyanteng namaril sa isang paaralan sa Banga, South Cotabato, sa isang online group na may kaugnayan sa karahasan.

Ayon kay South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo, sinabi ng matalik na kaibigan ng suspek na kabilang umano ito sa naturang online group.

Sinabi ni Tamayo na inaalam pa ng pulisya kung ano ang nilalaman at layunin ng online community.

Batay naman sa paunang imbestigasyon, nagbaril din umano sa sarili ang estudyante matapos ang pamamaril sa paaralan.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development o DSWD, anim na estudyante ang nasawi habang 17 iba pa ang nasugatan sa insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, pinauwi na ang mga estudyante upang mapakalma ang kanilang emosyon. Nanawagan din si Tamayo sa mga magulang na tiyaking hindi madaling naa-access ng mga bata ang mga baril at iba pang mapanganib na armas.