Inihayag ng isa sa 18 dating bodyguard na inalok umano sila ng P20 milyon hanggang P25 milyon kapalit ng pag-urong ng kanilang mga salaysay laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez, dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, at iba pang personalidad.

Kinondena ni dating bodyguard George Villanon Jr. ang apat niyang dating kasamahan na umurong sa kanilang mga pahayag. Aniya, hindi totoo na may iba pa sa kanilang magre-recant at nananatiling matatag ang karamihan sa kanilang grupo sa mga naunang isinumiteng salaysay.

Samantala, sinabi ni abogado Levito Baligod na ilang buwan nang may umano’y panghihikayat sa mga dating bodyguard upang bawiin ang kanilang mga pahayag. Ayon sa kanya, nagsimula umano sa P5 milyon ang alok na kalauna’y umabot sa P10 milyon bago sinabing naging P20 milyon hanggang P25 milyon. Dagdag pa niya, magsasagawa sila ng isang pulong-balitaan upang ilahad ang mga detalye at ipakita ang mga mensaheng natanggap mula sa ilan sa mga umurong sa kanilang mga salaysay.