Patay ang retiradong pulis at dating close-in security escort ni Manila Mayor Isko Moreno matapos siyang barilin ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo kahapon ng madaling araw.

Batay sa CCTV footage, makikita na sakay ang biktima sa motorsiklo at papasok sa isang kalsada sa Barangay 134 Balut, Tondo, kung saan sinundan siya ng dalawang suspek na sakay din ng motorsiklo.

Tumigil ang dalawang suspek at tinutukan ang isa sa kanila ang biktima na sinubukang lumaban subalit binaril siya ng dalawang beses.

Sa footage, makikita din na tila may kinuha ang mga suspek sa biktima, na ayon sa mga nakakita, kinuha ang kanyang alahas.

Kalaunan ay nakilala ang biktima na si George Capistrano, isang retiradong pulis at dating close-in security ni Moreno.

-- ADVERTISEMENT --

Agad na dinala ng mga residente ang biktima sa ospital, kung saan idineklara siyang dead on arrival.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung sino ang mga suspek at kung pagnanakaw ang motibo sa pamamaril.