Kinuwestion ng mga senador kahapon ang mga umano’y overpriced na ginawang farm-to-market roads sa buong bansa, kung saan ang Bicol ang nangunguna sa listahan ng mga rehion at ang nangungunang construction company na FMR contractors ay kay nagbitiw na si Ako Bicol congressman Zaldy Co.

Nagpahayag ng pagkadismaya ang mga senador sa lawak ng korupsyon sa FMR, dagdag sa ghost o substandard mna flood control projects.

Sa budget hearing para sa pondo ng Department of Agriculture, sinabi ni Senate finance chair Sherwin Gatchalian na ang rehion ng Bicol at Eastern Visayas noong 2024 ang may pinakamaraming bilang ng “overpriced” projects sa bilang na 80 at 33 FMR projects, batay sa pagkakasunod, na ang halaga ng bawat metro ay P30,000.

Sinabi ni Gatchalian na ang 80 FMR projects sa Bicol ay nagkakahalaga ng P1.744 billion habang ang 33 sa Eastern Visayas ay nagkakahalaga ng P791 million, na pawang mga overpriced.

Ayon kay Gatchalian, sa kabuuan ang 1,653 FMR projects para sa taong 2023 at 2024 ay overpriced ng P10.3 billion.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ni Gatchalian na ang P10 billion ay sapat na para makagawa ng 689 kilometers na kalsada.

Ayon sa kanya, ang nawalang pondo dahil sa korupsyon ay sapat para makagawa ng road network mula Manila hanggang Aparri, Cagayan.

Idinagdag pa ni Gatchalian na may kasalukuyang ginagawang proyekto sa Barangay San Roque, Tacloban City, Leyte na may pondo na P100 million subalit ang saklaw ay 287 meters lamang, na ang halaga ng per meter ay mahigit P348,000.

Isa pang overpriced project ay ang ginagawa na pangkongkreto sa mga barangay ng Kidaco-San Roque sa Daraga, Albay na may pondo na P46 million na may haba na 370 meters lamang, at ang bawat metro ay nagkakahalaga ng mahigit P124,000

Ang contractor sa proyekto ay ang Hi-Tone Construction and Development Corp., isa kumpanya ni Co at kabilang sa top 15 flood control project contractors.

Tinawag ni Gatchalian ang mga nasabing proyekto na “extremely, extremely, extremely, overpriced FMRs,” kasabay ng kanyang panawagan sa Department of Agriculture na ipatupad ang mga nasabing proyekto o maghanap ng private sector partner, sa halip na ibigay ang pondo sa Department of Public Works and Highways.

Ikinagulat naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang natuklasan ni Gatchalian, at sinabing ang halaga ng per meter ng FMR project na walang anomalya ay P15,000 per meter lamang.

Sinabi ni Tiu Laurel na nagsagawa ang DA ng FMR project audit at may nadiskubre na non-exsistent road projects sa Davao Occidental at Zamaboanga City.

Subalit umapela si Tiu Laurel sa mga senador na huwag tanggalin ang panukalang budget ng DA sa FMR projects na P16 billion para sa 2026, mas mababa sa inaprubahan na mahigit P23 billion budget ngayong 2025.

Tinanggihan din ni Gatchalian ang panukala mula sa Kamara na dagdagan ang P16 billion FMR budget at gawin itong P24 billion.