
Ibinalik sa Philippine National Police General Hospital si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan para sa pagpapatuloy ng kaniyang gamutan para sa iniindang hypertension at chronic kidney disease.
Ayon kay PNP General Hospital Internal Medicine Department chief Lt. Col. Benaly Bayani, patuloy ang masusing medikal na obserbasyon sa kondisyon ng dating kalihim.
Aniya, kasalukuyang tumatanggap si Bonoan ng medical management para sa kaniyang kidney disease at hindi sumasailalim sa dialysis.
Iginiit naman ni Lt. Col. Bayani na stable at hindi itinuturing na kritikal ang kondisyon ni Bonoan.
Sa kabila naman ng pansamantalang pagpayag ng Sandiganbayan sa hiling ni Bonoan para sa hospital arrest dahil sa kaniyang mga iniindang karamdaman, nananatili nasa kustodiya ng police ang dating kalihim habang humaharap sa mga kasong plunder at graft, na nag-ugat sa umano’y pagkakadawit niya sa iregularidad sa flood control projects.










