
Nananatili pa ring walang bagong outbound travel records si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan.
Ito ay batay sa updated record ng Bureau of Immigration (BI).
Ayon kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, kailangan muna ng dating kalihim ng permiso sa korte sa Maynila na nag-isyu ng precautionary hold departure order laban sa kaniya bago makalabas ng bansa.
Ito ay kaiba aniya sa Immigration Lookout Bulletin Order na naunang inilabas laban sa dating kalihim.
Ang naturang order ay para lamang sa monitoring habang ang hold departure order ay para pigilan ang indibidwal na lumabas ng bansa.
Ayon pa sa BI official, kung papayagan man siya ng kore na makalabas ng bansa, nakadepende pa rin ito sa itatakdang restrictions.
Nilinaw naman ng opisyal na hindi na ito magsasagawa ng monitoring kay Bonoan, at hindi rin siya pasasamahan sa BI personnel dahil hindi na ito sakop ng kanilang hurisdiksyon.
Unang nagtungo sa Estados Unidos si Bonoan kasama ang kaniyang asawa noong Nobiyembre-11, 2025 at umuwi lamang nitong Enero-18. Kinabukasa, Enero-19, humarap siya kaagad sa pagdinig ng Senado.










