Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na wala pang naitatatalang bagong outbound travel record si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan batay sa kanilang pinakahuling monitoring.

Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, hindi maaaring makalabas ng Pilipinas ang dating kalihim nang walang pahintulot mula sa korte sa Maynila na nag-isyu ng precautionary hold departure order (PHDO) laban sa kaniya.

Ipinaliwanag ni Sandoval ang pagkakaiba ng PHDO sa naunang Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO).

Ayon sa opisyal, ang ILBO ay para lamang sa mahigpit na pagsubaybay o monitoring, samantalang ang PHDO ay isang direktang kautusan upang pigilan ang pag-alis ng isang indibidwal sa bansa.

Matatandaang unang tumungo sa Estados Unidos si Bonoan noong November 11, 2025, upang samahan ang kaniyang asawa sa isang medical procedure at nagbalik sa bansa noong January 18.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ng BI na sa ilalim ng umiiral na PHDO, hindi na maaaring umalis ang dating kalihim maliban na lamang kung maglalabas ng bagong kautusan ang korte na magtatakda rin ng mga kaukulang restrictions.

Nilinaw din ng ahensya na hindi na nila kailangang samahan ng personnel ang dating kalihim dahil hindi na ito sakop ng kanilang hurisdiksyon.