
Kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na ang dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan ay overstaying na sa Estados Unidos at maaari na umanong ideport pabalik sa Pilipinas ng mga awtoridad ng Amerika.
Ayon kay Remulla, mahigit dalawang buwan nang nananatili sa U.S. si Bonoan matapos itong umalis ng bansa noong Nobyembre 11 ng nakaraang taon.
Sa isang press conference nitong Huwebes, sinabi ng Ombudsman na kung matukoy ng U.S. Embassy o U.S. State Department na overstay na si Bonoan, maaari na itong pauwiin o ideport.
Dagdag pa niya, kahit pa nag-apply umano si Bonoan ng extension of stay, kung hindi ito maaprubahan, may kapangyarihan ang mga awtoridad ng Amerika na agad siyang pauwiin sa Pilipinas.
Nauna nang sinabi ng Bureau of Immigration na bagama’t nagpaalam si Bonoan na babalik sa bansa noong Disyembre 17, 2025, wala pa itong rekord ng pagbabalik hanggang sa kasalukuyan.
Umalis umano si Bonoan upang samahan ang kanyang asawa para sa isang medical procedure, ngunit hindi na nakabalik ayon sa itinakdang petsa.
Si Bonoan ay kabilang sa mga dating opisyal ng pamahalaan na inisyu ng immigration lookout bulletin kaugnay ng flood control controversy.
Ayon sa Independent Commission for Infrastructure, napatunayang may pananagutan si Bonoan sa isang “ghost” flood control project sa Bulacan na nagkakahalaga ng P95.04 milyon, at nahaharap din sa isang administrative case kaugnay ng isa pang P72.4-milyong ghost riverbank project sa parehong lalawigan.









