
Sinabi ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo sa Sandiganbayan Sixth Division na nakatanggap siya ng nasa P10 million na taunang “balato” mula kay dating DPWH-Mimaropa Director Gerald Pacanan.
Si Bernardo, state witness sa kaso ng maanomalyang flood control projects ay tumestigo sa Sandiganbayan at isiniwalat niya na tumanggap siya ng bayad mula 2023 hanggang 2025, na ibinibigay sa kanya ng driver ni Pacanan.
Ayon kay Bernardo, sinabi sa kanya ni dating DPWH Engr. Henry Alcantara na ang pera ay galing umano kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
Sinabi pa ni Bernardo na nakatanggap din siya ng P40 million noong 2023 at 2024, at P20 million noong 2025 mula kay Alcantara.
Ayon sa kanya, ang ilang payments ay ibinigay sa kanya ng personal ni Alcantara, habang ang iba ay ipinadala sa pamamagitan ng kanyang aide.
Ginawa ni Bernardo ang testimonya sa paglilitis sa kasong malversation laban sa mga opisyal ng DPWH-Mimaropa kaugnay sa road dike sa Naujan, Oriental Mindoro.
Una rito, nag-plead not guilty sina Pacanan at DPWH-Mimaropa officials Gene Altea, Ruben Delos Santos Jr., Dominic Serrano, Lerma Cayco, Felisardo Casuno, Dennis Abagon, Juliet Calvo, at Montrexis Tamayo sa kasong malversation at graft sa Sandiganbayan.








