TUGUEGARAO CITY- Naniniwala ang dating punong Barangay ng Brgy. Manalo sa Amulung, Cagayan na planted o itinanim ang mga nakuhang kalibre 38 na baril na may limang bala at isang granada sa kanyang bahay ng mga otoridad.
Binigyan diin ni Calixto Cabildo, 62 anyos na wala siyang itinatagong mga armas sa kanyang bahay.
Ayon kay Cabildo, bago pumasok ang mga nagsilbi ng search warrant sa kanyang bahay ay pinalabas muna ang mga nasa loob ng bahay.
Nagulat na lamang siya at maging ng kanyang pamilya ng biglang may nakuhang armas sa kanyang bahay.
Kaugnay nito, sinabi ni Cabildo na bago ang paghalughog sa kanyang bahay ay kinausap umano siya ng mga intel operatives at pinapasuko dahil sa suppporter umano siya ng NPA.
Subalit, hindi siya tumugon sa pakiusap ng mga nagpapasuko sa kanya dahil sa pinayuhan siya ng abogado na huwag siyang sasama kung walang ipapakita sa kanya na formal letter na nakasaad ang dahilan ng pagpapasuko sa kanya.
Batay sa report ng PNP, si Cabildo ay chairman ng grupong pang-organisa, municipal coordinator ng Anakpawis- Cagayan, miembro ng karapatan QRT, chairman ng Kagimungan at Cagayan irrigators and Farmers Association na pawang sinasabing left leaning groups.
Inamin naman ni Cabildo ang kinaaniban niyang mga grupo subalit pinabulaanan na supporter siya ng NPA.
Ayon sa kanya, ang layunin lamang niya ay para makatulong sa mga magsasaka na maiparating sa mga kaukulang ahensiya ang kanilang mga hinaing.
Idinagdag pa ni Cabildo na hindi na rin siya miembro ng Anakpawis buhat nang matalo ito sa eleksion.
Dahil dito, umapela si Cabildo sa Commission on Human Rights at iba pang ahensiya na tulungan siya dahil wala naman umano siyang alam na ginawang paglabag sa batas.
Nabatid na 15 taon na nagsilbing kapitan at kagawad si Cabildo sa Brgy. Manalo.