Naglabas ng paglilinaw si dating Allacapan, Cagayan Mayor Harry Florida tungkol sa nag-trending na video ng isang lalaki na hinahabol ang isang sasakyan.

Sinabi ni Florida na edited ang nasabing video at ginawan ng ibang kuwento.

Ayon kay Florida, walang katotohanan na ang lalaki na kinilala niyang si Tyson ay nagtatrabaho sa gasolinahan, at tinaukbuhan niya ang kanyang bayad sa gasoline station sa nasabing bayan.

Sinabi niya na pagmamay-ari niya ang gasolinahan at tumigil sila sa kanyang opisina doon, bago nagpasiya na umalis para mag-miryenda.

Nang paalis na sila ay nakita sila ni Tyson, at biniro na iiwan siya, kaya niya hinabol ang kanyang sasakyan.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag pa ni Florida na miyembro na ng pamilya nila si Tyson, 46-anyos, matapos siyang kupkupin noong 17 anyos pa lamang siya, nang mapadpad sa Allacapan dahil sa pagputok ng bulkan sa Pampanga.

Matatandaan na sinuspindi ng Land Transportation Office ng 90 days ang lisensiya ng driver ng sasakyan, naglabas ng show cause order sa tatlo na sangkot sa insidente, at inilagay sa alarm ang sasakyan dahil sa nasabing video.