Pinatawan ng contempt si National Police Commission (Napolcom) Commissioner at dating Police Col. Edilberto Leonardo dahil sa pagsisinungaling sa pagdinig ng quad committee ng kamara.

Muling nagsagawa ng pagdinig ang nasabing komite ngayong araw sa umano’y extra judicial killings (EJK) sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pagsisimula ng pagdinig, maraming beses na tinanong ni Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano si Leonardo kung nagkaroon ng pulong sa pagitan niya at ni Sr. Supt. Gerardo Padilla ng Bureau of Corrections tungkol sa pagpatay sa tatlong Chinese nationals at Davao Prison at Penal Farm noong August 2016.

Sa mga naunang pagdinig, sinabi ni Padilla sa kanyang bagong testimonya na nag-usap sila ni Police Col. Royina Garma and Leonardo, tungkol sa operasyon para patayin ang tatlong Chinese nationals.

Sinabi pa ni Padilla na binati siya ni Duterte sa telepono matapos ang pagpatay sa mga nasabing Chinese nationals.

-- ADVERTISEMENT --

Matapos na itanggi ni Leonardo na nagkaroon sila ng pulong, hiniling ni Paduano na i-cite in contempt si Leonardo dahil sa pagsisinungaling.

Inaprubahan ni lead quad committee officer at Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers ang nasabing mosyon ni Paduano.

Makukulong si Leonardo sa kamara hanggang sa matapos ng quad panel ang kanilang committee report sa imbestigasyon sa EJK.