TUGUEGARAO CITY-Nasa proseso na umano ang national museum para maideklarang “heritage site” ang bayan ng Rizal, Kalinga kung saan nahukay ang mga buto ng Rhinoceros at elepante maging ang mga human stone tools.
Ayon kay Maylene Lising, Kalinga expedition team member at isang national museum cultural deputy for Cagayan Valley, pinag-aaralan na umano ng kanilang grupo ang mga panibagong buto na kanilang nahukay kabilang na ang sampung stone tools.
Matatandaan, nakitaan ng cut mark o marka ng pagkatay ang mga nakuhang buto ng rhinoceros kung saan ikinokonsiderang indirect evidence na mayroong nabuhay na tao 709,000 na ang nakakalipas.
Aniya , napakahalaga ang mga naturang buto dahil ito ang nagiging ebidensiya ng mga sinaunang tao at kasagutan narin kung paano nakarating sa bansa ang homo erectus.
Paliwanag ni Lising ,ang bansa ay isang archipelago na ang ibig sabihin ay hindi naging konektado sa mga malalaking land masses at maari lamang makarating dito sa bansa sa pamamagitan nang pagtawid sa dagat.
Dahil dito, isa umanong katanungan kung paano nakatawid ang mga sinaunang tao sa dagat kung kaya’t interesado ang mga siyentipiko sa kontribusyon sa kwento ng human evolution.
Hanggang sa ngayon, sinabi ni Lising na tanging ang homo sapiens lamang umano ang may ebidensiya na nagkaroon ng “sea crossing”.
Samantala,sinabi ni Lising na muling maghuhukay ang kanilang grupo sa susunod na taon, kasama si Prof. Armand Mijares,ang nanguna sa paghuhukay sa Callao Cave kung saan nakuha ang mga buto at ngipin ng mga sinaunang tao na nabuhay na hinihinalang nabuhay ng 67,000 nakaraaraan.
Kaugnay nito,nilinaw ni lising na walang paaalisin na mamamayan malapit sa excavation site sa sandaling maideklara na itong heritage site.