
Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na may mga international online groomer na nakapapasok sa group chat ng larong Roblox.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni Remulla na nakakita ang mga awtoridad ng mga extremist conversation sa group chat kung saan hinihikayat umano ang mga manlalaro, kabilang ang mga kabataan, na gumawa ng karahasan.
Ayon sa kalihim, “criminal in nature” ang mga lengguwaheng ginagamit sa naturang mga usapan, kaya nais niyang pag-aralan ang pagbabawal sa mga larong maaaring gamitin upang maimpluwensiyahan ang mga menor de edad.
Una nang sinabi ni Remulla na maaaring naimpluwensiyahan ng ganitong uri ng online game ang Grade 8 student na sangkot sa pamamaril sa isang paaralan sa Zamboanga City, na ikinasawi ng isang Grade 10 student at ng mismong namaril.
Kaugnay nito, iniimbestigahan na ng Philippine National Police ang mga online groomer na umano’y nanghihikayat sa mga menor de edad na gumawa ng karahasan.
Patuloy namang hinihikayat ang mga magulang na bantayan ang online activities ng kanilang mga anak at alamin ang mga grupong kanilang sinasalihan at mga taong kanilang nakakausap sa internet.










