Hinahanap na ngayon ng mga otoridad ang mga responsable sa pag-abandona ng isang sanggol na natagpuang patay sa Baguio City upang panagutin sa batas ang kanilang ginawa.

Noong Huwebes, Hunyo 12, isang residente ng Lower Bengao, Bakakeng Central ang nagulat nang makita ang kanyang aso na tila may inaamoy na kakaiba.

Ayon sa kanya, palabas siya noon upang pakainin ang kanyang mga alaga nang mapansin ang kilos ng isa sa mga ito.

Nang kanyang lapitan upang siyasatin, laking gulat niya nang matuklasang hindi basta bagay ang inaamoy kundi isang sanggol.

Agad na humingi ng tulong ang babae sa mga awtoridad.

-- ADVERTISEMENT --

Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng pulisya at inako ang sanggol—isang lalaking fetus—upang mabigyan ito ng maayos na libing sa Baguio Memorial Service.

Batay sa inisyal na ulat, tinatayang anim na buwang gulang na ang nasabing fetus.

Kaugnay ng imbestigasyon, nakikipagtulungan na ang Baguio City Police Office sa Baguio Health Department upang matukoy kung sino ang mga kababaihang 5 hanggang 6 na buwang buntis sa lugar, bilang bahagi ng pagsisiyasat kung sino ang maaaring may kinalaman sa insidente.