Hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong si Mark Antony Samson, 24-anyos na Filipino-Italian, dahil sa pagpatay sa dating nobya niyang si Ilaria Sula, 22-anyos na estudyante sa Rome, Italy.

Ipinataw ng Court of Rome ang sentensiya nitong Oktubre 27 matapos tanggapin ang kahilingan ng prosekusyon, na kinilala ang mga nagpapabigat na sirkumstansiya kabilang ang pagpaplano sa krimen, mababaw na motibo at dating romantikong relasyon ng dalawa. Napatunayang nagkasala rin si Samson sa pagtatago sa bangkay ng biktima.

Napatay si Sula noong Marso 26, 2025, sa apartment na tinitirhan ni Samson at ng kanyang pamilya. Ayon sa mga imbestigador, sinaksak niya ang dating nobya, inilagay ang bangkay sa isang maleta at iniwan sa isang bangin na humigit-kumulang 40 kilometro mula sa Rome. Natagpuan ang bangkay noong Abril 2, 2025.

Inamin ni Samson ang pagpatay, ngunit iginiit ng mga tagausig na planado ang krimen. Ayon din sa imbestigasyon, ginamit niya ang cellphone ng biktima upang magpadala ng mga mensahe at mag-post sa social media na magpapakitang buhay pa ito.

Samantala, hinatulan din ang ina ni Samson na si Nora Manlapaz ng dalawang taong pagkakakulong dahil sa pagtulong na itago ang krimen. Gayunman, sinuspinde ng korte ang pagpapatupad ng kanyang sentensiya kaya hindi siya ikukulong.

-- ADVERTISEMENT --