Nasawi ang isang 46-anyos na babaeng guro matapos umanong pukpukin ng martilyo sa ulo ng kaniyang 15-anyos na anak bago itinapon ang kaniyang katawan sa isang abandonadong septic tank sa Barangay Looc, Panglao, Bohol.

Natuklasan ang bangkay ng biktima matapos humingi ng tulong ang ilang residente dahil sa napansing maraming langaw na nagmumula sa abandonadong septic tank.

Nang inspeksyunin ito ng mga opisyal ng barangay, tumambad ang bangkay ng guro na natabunan ng mga bato.

Sa isinagawang hot pursuit operation, natukoy ng mga pulis na ang mismong 15-anyos na anak ng biktima ang umano’y responsable sa krimen, na kalaunan ay umamin din sa kaniyang ginawa.

Batay sa paunang imbestigasyon, nag-ugat umano ang krimen sa pagtatalo ng mag-ina kaugnay ng madalas na pagliban sa klase at pag-cutting classes ng binatilyo.

-- ADVERTISEMENT --

Sa gitna ng kanilang pagtatalo, kumuha umano ang suspek ng martilyo at apat na beses na hinampas sa ulo ang kaniyang ina.

Siya rin umano ang nagdala sa katawan ng biktima sa abandonadong septic tank at tinabunan ito ng mga bato upang maitago ang krimen.

Sa ngayon, itinuturing na Child in Conflict with the Law o CICL ang binatilyo at isasailalim sa intervention ng Department of Social Welfare and Development o DSWD, alinsunod sa mga batas na nagbibigay-proteksyon sa mga menor de edad na nasasangkot sa krimen.