Inaresto ang isang 48 anyos na Filipino teacher sa Las Vegas na may kasong “lewdness with a child under 14 years old.”

Ayon sa Las Vegas Metropolitan Police Department, si Fracisco Misajon, guro sa K-6 campus sa Innovations International Charter School sa central Las Vegas, ay dating school district supervisor sa San Remigio, Antique.

Siya ay pansamantalang nakalaya matapos na magpiyansa at nakatakdang humarap sa korte sa susunod na mga araw.

Ayon sa Sexual Assault Detail ng Las Vegas Metropolitan Police Deparment, naniniwala ang mga detectives na may mga iba pang biktima dahil si Misajon ay nagtatrabaho sa local youth bilang guro.

Hinihikayat ng mga awtoridad ang sinoman na naging biktima ni Misajon, o kung may mga impormasyon tungkol sa kaso na idulog ito sa Sexual Assault Detectives.

-- ADVERTISEMENT --

Sa statement, sinabi ng Innovations International Charter School na agad nilang tinanggal si Misajon sa kanyang classroom, inilagay siya sa administrative leave at pinagbawalan siya na makipag-ugnayan sa mga estudyante o mga staff.

Nanawagan naman ang mga miyembro ng Antiqueño communities sa Estados Unidos at sa Pilipinas na magkaroon ng patas na paglilitis kay Misajon, dahil sa naniniwala silang siya ay may reputasyon na may dedikasyon na guro.

Ikinagulat ng mga public school teacher sa Antique ang nasabing balita at nababahala sila sa magiging epekto nito sa Filipino community.