
Inaprubahan at pinagtibay ng bicameral conference committee ang pinal na bersyon ng General Appropriations Bill (GAB) na naglalaman ng P6.793 trilyong pambansang badyet para sa taong 2026.
Nilagdaan ng mga mambabatas mula sa Senado at Kamara ang bicameral conference report matapos ang mga deliberasyong ginanap sa Philippine International Convention Center.
Ayon kay House Appropriations Chairperson Mikaela Suansing, ang panukalang badyet ay “people-centered,” na nakatuon sa transparency, accountability, at pagpapaunlad ng human capital.
Sinabi naman ni Senate Finance Chairperson Sherwin Gatchalian na may malaking pondo ang inilaan para sa edukasyon, kalusugan, at agrikultura dahil mahalaga ang mga sektor na ito sa pag-unlad ng ekonomiya.
Nagsimula ang bicameral deliberations noong Disyembre 13 at nagtapos noong Disyembre 18.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang bicam deliberations ay na-livestream online upang masiguro ang transparency sa proseso ng badyet.
Ira-ratipika ng Senado at Kamara ang bicameral report sa Disyembre 29.
Pagkatapos nito, ipapadala ang GAB kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pirma.
Inaasahang lalagdaan ng Pangulo ang 2026 national budget sa unang linggo ng Enero 2026.










