Umabot na sa 91 ang bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok sa buong bansa, ayon sa Department of Health (DOH).

Batay sa ulat ng DOH mula Disyembre 21 hanggang 27, mas mababa pa rin ito ng 34 porsiyento kumpara sa naitalang kaso sa kaparehong panahon noong 2024.

Pinakamaraming kaso ang naitala sa National Capital Region na may 40, sinundan ng Ilocos Region na may 10 at Western Visayas na may 8. Karamihan sa mga biktima ay mga lalaking edad 10 hanggang 14.

Ang pangunahing sanhi ng mga pinsala ay 5-star, sinundan ng hindi matukoy na paputok, boga, kwitis, at pla-pla.

Ayon sa DOH, wala pang naitatala na nasawi at wala ring kaso ng paglunok o pagkain ng Watusi o iba pang paputok. Gayunman, may dalawang biktima na kinailangang operahan sa daliri dahil sa matinding pinsala, habang may ilan ding nagtamo ng pinsala sa mata.

-- ADVERTISEMENT --

Muling pinaalalahanan ng DOH ang publiko na mapanganib ang paggamit ng paputok, legal man o ilegal, at hindi dapat hinahayaang humawak nito ang mga bata.

Samantala, nakapagtala rin ang DOH ng 331 insidente ng road crash ngayong holiday season, na mas mababa ng 8.56 porsiyento kumpara noong nakaraang taon. Karamihan sa mga biktima ay mga lalaking edad 20 hanggang 24.

Ayon sa DOH, 73 porsiyento ng mga insidente ay sangkot ang motorsiklo, 83 porsiyento ng mga biktima ay walang suot na safety gear, at 12 porsiyento ang hinihinalang nakainom ng alak.

Patuloy ang monitoring ng DOH sa mga kaso ng aksidente, sakit sa puso, stroke, hika, at firecracker-related injuries bilang bahagi ng kanilang Ligtas Christmas campaign.