
Nagsagawa ng fireworks display ang lokal na pamahalaan ng Tuguegarao City sa Rizal’s Park bilang bahagi ng masayang pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay Mayor Maila Ting-Que, ikatlong taon na itong isinasagawa ng lungsod. Aniya, natatangi at mas bongga ang selebrasyon ngayong taon dahil sa mas maraming dumalo kumpara sa mga nagdaang taon.
Layunin ng pamahalaang lungsod na ipaalala sa publiko na hindi na kailangang magsagawa ng sariling paputok sa mga tahanan, dahil maaari itong maging delikado at magdulot ng aksidente. Sa halip, ang gobyerno na mismo ang nag-organisa ng fireworks display upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.
Dagdag pa ng alkalde, ang aktibidad ay ginawa upang maramdaman ng mga mamamayan ang diwa ng Bagong Taon nang sama-sama at sa isang ligtas na paraan.
Bago ang countdown sa pagsalubong ng 2026, nagkaroon muna ng pagtatanghal mula sa isang mang-aawit mula sa lungsod upang aliwin ang mga dumalo. Namigay rin ang LGU ng simpleng pagkain bilang bahagi ng selebrasyon.
Dumagsa ang mga residente at bisita sa Rizal’s Park upang saksihan ang makulay na fireworks display at salubungin ang bagong taon nang may saya at pagkakaisa.










