Muli na namang nakakita ng floating shabu ang mga mangingisda sa Barangay Bisagu, Aparri, Cagayan kahapon.
Ayon sa mga awtoridad, nakita ng mga mangingisda ang palutang-lutang na pinaghihinalaang shabu na may timbang na 1.5 kilograms na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P10 million habang sila ay nangingisda sa karagatan ng bayan ng Ballesteros.
Ang mga nasabing mga bagay ay nakalagay sa vacuum-sealed transparent plastic bag na may label na “66” at isang heat-sealed transparent plastic bag.
Boluntaryong isinuko ng mga mangingida ang mga pinaghihinalaang shabu sa Aparri Police Station at sa iba pang awtoridad.
Dinala na ang mga nasabing pinaniniwalaang mga droga sa PDEA Region 2 laboratory para sa forensic examination.
Matatandaan na una nang nakakuha ang mga mangingisda ng floating shabu na nakalagay sa dalawang sako noong June 14 sa bayan ng Claveria na mayroon nakasulat na “Daguanyin” at may Chinese characters.
Ipinasakamay naman ng isang mangingisda mula sa bayan ng Sta. Praxedes ang vacuum-sealed pack ng shabu na may tatak na “66.”
Noong June 13, may nadiskubre ang mga nagpapatrolya na mga awtoridad na isang kilo ng cocaine sa Dilam, Calayan at noong May 15 ay may natagpuan din na 2.6 kilos ng cocaine sa nasabi ring isla.
Ayon sa PDEA Region 2, ang mga nasabing iligal na droga ay nagkakahalaga ng mahigit P317 million.
Sinabi ng PDEA, posibleng mula ang mga drogang ito sa “shipside smuggling” at inanod ng alon mula Zambales at Pangasinan, kung saan may mga na-recover ding mga sako-sako ng iliga na droga, papuntang Cagayan.