Ipinagpaliban ng Senate Blue Ribbon Committee ang nakatakdang pagdinig nito sa Abril 14 kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects, ayon kay committee chair at Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson.

Ayon kay Lacson, hihintayin muna ng komite ang pagsusumite ng isang sinumpaang salaysay (sworn affidavit) mula kay dating Ilocos Sur Governor Luis Singson, pati na ang karagdagang mga pirma para sa partial committee report.

Sa liham ni Lacson kay Singson, sinabi niyang kinakailangang ipagpaliban ang pagdinig dahil sa kasalukuyang National Energy Emergency at sa hindi pa pagsusumite ng affidavit kasama ang mga kaukulang dokumento.

Binanggit din ng senador na maaaring ituloy ang pagdinig kung makapagsusumite si Singson ng kahit draft ng kanyang affidavit at kung madaragdagan pa ng limang miyembro ang pipirma sa ulat upang maiprisinta ito sa plenaryo.

Dagdag pa ni Lacson, ipinagpaliban din ang pagpapatuloy ng mga pagdinig habang hinihintay ang pagrerepaso at paglagda sa partial committee report na kasalukuyang nasa mga miyembro ng komite.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, binigyan si Singson ng hanggang Abril 7 upang magsumite ng draft affidavit ngunit wala itong naging tugon.

Ang unang imbitasyon ay ipinadala noong Marso 25 sa pamamagitan ng email, at nang walang sagot, isang kopya ng liham ang personal na inihatid sa kanyang tirahan noong Abril 6.

Ang abiso ng pagpapaliban ay ipinadala noong Abril 7.

Sa kasalukuyan, apat pa lamang na miyembro ang lumagda sa partial committee report, samantalang siyam na pirma ang kinakailangan upang mabuo ang mayorya at maipresenta ito sa plenaryo, ayon kay Lacson.

Samantala, isinasaalang-alang din ni Lacson ang pagsusumite ng Chairperson’s Report tungkol sa isyu ng flood control projects sa Office of the Ombudsman, kasama ang mga dokumento, transcript, at iba pang ebidensyang nakalap mula sa hindi bababa sa pitong pagdinig para sa paunang imbestigasyon.