
Mananatiling nakadetine sa International Criminal Court o ICC si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos pagkaisahan ng Trial Chamber III na ipagpatuloy ang kanyang detention.
Sa desisyong inilabas matapos ang ikatlong status conference, sinabi ng mga hukom na may posibilidad na tumakas si Duterte o makialam sa imbestigasyon at proceedings ng korte.
Ayon sa Chamber, tumataas ang posibilidad na maimpluwensiyahan ang mga testigo matapos ilabas ng prosecution ang kanilang mga pangalan at inaasahang testimonya. Maaari umano itong mangyari nang direkta o sa pamamagitan ng pamilya o mga tagasuporta ni Duterte sa Pilipinas.
Hindi pa rin naglalabas ng desisyon ang Chamber sa kanyang fitness para sa paglilitis. Humihingi ang defense ng mas malinaw na medical assessment habang kinukuwestiyon ang ulat ng expert panel.
Gayunman, sinabi ng korte na walang naipakitang bagong impormasyon o pagbabago sa sitwasyon na maaaring maging dahilan para baguhin ang detention order kay Duterte.
Nakatakdang magsimula ang trial sa Nobyembre 30 kaugnay ng mga alegasyong crimes against humanity na iniuugnay sa mga pagpatay sa panahon ng kanyang war on drugs.










