
Muling nagpakita sa publiko si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court o ICC sa The Hague, Netherlands, sa kanyang pagdalo sa ikatlong status conference ng kanyang kaso.
Matapos ang pagdinig, ilang segundo siyang kumaway sa mga nasa public gallery bago isinara ang kurtina. Ilang tagasuporta naman ang napaluha nang makita siyang personal na humarap sa korte.
Ayon sa ilang supporter, hindi nila inaasahang makikita si Duterte na nasa ganoong kondisyon at inaasahan nilang mas mahina ang kanyang kalagayan. May ilan ding kumuwestiyon sa dami ng ebidensyang inihain ng prosecution, na sinabing umabot sa libo-libong item.
Samantala, iginiit ng Duterte Panagutin Network at iba pang kritiko na ang mga usapin tungkol sa kalusugan ni Duterte ay ginagamit umano bilang “delaying tactic.” Sinabi rin nilang umaasa silang haharap muli siya sa korte sa pagsisimula ng trial sa Nobyembre 30.
Patuloy namang hindi pa nagpapasya ang Trial Chamber sa fitness ni Duterte para sa paglilitis. Ang susunod na status conference ay nakatakda sa Oktubre 13.









