Ipasisilip ng Department of Migrant Workers (DMW) at ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang posibilidad na may foul play sa pagkamatay ng Overseas Filipino Worker (OFW) sa Kuwait na si Jenny Alvarado at ang isiniwalat na mga bagong impormasyon ng mga anak ng biktima.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Migrant Workers, napag-alaman sa mga sumbong ng anak ni Alvarado na kinukulong, hindi pinapakain, at hinihipuan pa ng amo ang biktima.

Ayon kay Senate Committee on Migrant Workers Chairman Senator Raffy Tulfo, senyales ito na may problema ang amo ni Alvarado at dito sinabi ng anak ng biktima na si Angel Alvarado Calisin na “drug lord” umano ang among lalaki ng kaniyang ina.

Pero ayon sa isa pang anak ng biktima na si Nathania Mae Alvarado Fernandez, galing sa kaibigan ng kanilang ina na nagtrabaho rin noon sa Kuwait ang nasabing impormasyon na posibleng “drug lord” ang amo ng kanilang nanay.

Mayroon ding history ng tawag ang kanilang ina sa mga pulis sa Kuwait noong January 25, 2024 at palaisipan pa kung anong ini-report o isinumbong ng biktima sa mga otoridad.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak naman ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na ikukunsidera nila ang mga pahayag ng mga anak ni Alvarado para sa isusulong na kaso laban sa employer habang inatasan naman ni DFA Usec. Eduardo De Vega ang embahada ng bansa sa Kuwait na makipagtulungan sa mga otoridad kaugnay posibilidad ng kapabayaan at foul play sa pagkamatay ni Alvarado.