Hindi makikilahok si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng video conference sa nakatakdang confirmation of charges hearing sa Pebrero 23, ayon sa kanyang lead counsel na si Nicholas Kaufman.

Ayon kay Kaufman, hindi rin boluntaryo ang pagharap ng dating Pangulo sa pamamagitan ng video link noong kanyang initial appearance. Aniya, hindi rin pinagbigyan ang kanilang kahilingan na ipagpaliban ang unang pagdinig upang makadalo ito nang personal at maiharap ang usapin ng kanyang legal competence.

Hindi naman kinumpirma ng abogado kung personal na haharap si Duterte sa susunod na pagdinig o kung iwi-waive nito ang kanyang karapatang dumalo.

Batay sa abiso ng International Criminal Court (ICC), isasagawa ang pagdinig mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon, oras sa The Hague (alas-5 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi sa Pilipinas), sa Pre-Trial Chamber I.

Sa naturang pagdinig, maghahain ng kani-kanilang argumento ang prosekusyon, depensa, at mga abogado ng mga biktima. Layunin ng confirmation hearing na tukuyin kung may sapat na ebidensya upang umusad ang kaso sa Trial Chamber para sa ganap na paglilitis.

-- ADVERTISEMENT --

Magpapatuloy ang mga pagdinig sa Pebrero 24, 26 at 27.