Inihayag ni Nicholas Kaufman, abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na hirap na raw makaalala si Duterte ng mga pangyayari, lugar, petsa, at maging mga miyembro ng sariling pamilya.

Dahil dito, humiling ang kampo ni Duterte sa International Criminal Court (ICC) na ipagpaliban nang walang takdang panahon ang mga pagdinig kaugnay ng kasong laban sa kanya.

Sa inilabas na redacted version ng “Defence Request for an Indefinite Adjournment” ng ICC ngayong Setyembre 11, iginiit ni Kaufman na hindi na sapat ang mental na kakayahan ng dating pangulo para maunawaan ang mga proseso sa korte.

“In fact, he is not even able to process the reasons for his detention,” sabi ni Kaufman.

Dahil dito, ipinagpaliban ng ICC ang nakatakdang pagdinig sa Setyembre 23 para sa kumpirmasyon ng mga kaso.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Kaufman, hindi na rin daw kayang sundan ni Duterte ang mga usapin sa korte, o makagawa ng matalinong desisyon para sa kanyang depensa.

Sa ngayon, iginiit ng kampo ng dating pangulo na “not fit to stand trial” o hindi na siya karapat-dapat humarap sa paglilitis.