Nanindigan ang Department of Foreign Affairs (DFA) na maaari pa ring bigyan ng tulong si dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang kanyang pamilya, dahil nananatili silang mga Pilipino.
Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega, kahit nakakulong si Duterte sa The Hague, Netherlands, hindi nawawala ang kanyang karapatang tumanggap ng assistance mula sa gobyerno sa pamamagitan ng DFA.
Ipinaliwanag ni De Vega na posible pa ring manumpa si Duterte bilang bagong halal na alkalde ng Davao City sa loob ng Philippine Embassy sa The Hague, dahil ito ay itinuturing na extension ng teritoryo ng Pilipinas.
Ngunit aniya, hamon pa rin kung papayagan ng International Criminal Court (ICC) na makalabas si Duterte sa detention facility upang makapunta sa embahada at maisagawa ang panunumpa, lalo’t hindi na miyembro ng ICC ang Pilipinas.
Matatandaang nanalo muli si Duterte sa pagka-alkalde ng Davao City sa kabila ng kanyang pagkakakulong habang panahon ng kampanya at halalan.
Parehong nasa The Hague ang Philippine Embassy at ang ICC headquarters, ngunit nilinaw ng DFA na limitado lamang ang hurisdiksyon ng embahada sa loob ng premises nito, kaya kinakailangang si Duterte ang dalhin sa embahada para makapanumpa.