
Nagpasya ang International Criminal Court (ICC) na mananatiling nakadetine si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC Detention Center sa Scheveningen, The Hague, matapos mabigong makakita ang korte ng anumang bago o nagbagong pangyayari na magbibigay-daan sa kanyang pansamantalang paglaya.
Sa 14 na pahinang desisyon na may petsang Enero 26, sinabi ng ICC Pre-Trial Chamber I na may sapat pa ring batayan upang ipagpatuloy ang detensyon ni Duterte, kabilang ang panganib ng pagtakas, posibleng panghihimasok sa mga saksi, at posibilidad ng muling paggawa ng mga krimeng saklaw ng hurisdiksyon ng korte.
Tinukoy rin ng ICC na nananatili ang “reasonable grounds” upang paniwalaang responsable si Duterte sa crimes against humanity kaugnay ng mga pagpaslang sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga.
Ibinasura rin ng korte ang alok ng depensa para sa isang “privately funded alternative” sa detensyon at sinabing hindi ito angkop.
Bagama’t isinaalang-alang ang mga ulat hinggil sa kalusugan at kondisyon ng pag-iisip ni Duterte, iginiit ng ICC na wala itong sapat na bigat upang baguhin ang naunang desisyon.
Nauna ring sinabi ng korte na si Duterte ay fit pa ring humarap sa pre-trial proceedings at tinanggihan ang kanyang hiling na ipagpaliban ang mga pagdinig nang walang takdang panahon.










