Natuklasan sa isinagawang necropsy ang fracture sa buto ng tenga ng isang false killer whale na namatay matapos ma-stranded sa baybayin ng Barangay Balite, ayon sa mga awtoridad.

Ang pagsusuri ay isinagawa noong Hunyo 10 ng Provincial Veterinary Office (ProVet), kasama ang Calapan City government, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at mga eksperto mula sa University of the Philippines Los Baños College of Veterinary Medicine.

Ang lalaking false killer whale, na may habang tinatayang 4.5 metro at bigat na humigit-kumulang 700 kilo, ay unang namataan noong Mayo 27 sa mga baybayin ng Calapan at kalapit na Naujan.

Ayon sa mga ulat, paulit-ulit itong bumalik sa mababaw na bahagi ng dagat bago tuluyang nasawi sa Barangay Balite.

Sinabi ni Dr. Adrian de Ramos ng UPLB Veterinary Teaching Hospital na ang fracture sa middle ear bone ay maaaring nakaapekto sa echolocation ng hayop, na mahalaga sa pag-orient, paghahanap ng pagkain, at pakikipag-ugnayan sa kapaligiran gamit ang tunog.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy pang sinusuri ng mga eksperto ang kaso upang matukoy ang iba pang posibleng dahilan ng pagkamatay ng marine mammal.